Hindi ako tubong Dumalnegenian, masasabi kong isa akong adopted na anak nito. Nung una, hindi ako naging pabor sa paglipat namin sa bayang ito, ang sabi ko maraming mawawala. Lumaki ako sa Maynila, nagpalipat-lipat ako ng school nang makailang beses, at ang pinakahuli, nang malipat ang aking ama ng school na pagtuturuan, at dito kami napadpad sa isang maliit na bayan ng Dumalneg, Ilocos Norte...
Sabi ko nun sa sarili ko, panibagong pakikisama, panibagong kaibigan, ibang kultura... kakayanin ko kaya?Sa ngayon halos dalawang taon na kaming naninirahan dito mismo sa bayan. Marami ng naging magagandang pangyayari at karanasan ang siyang naging mga dahilan kung bakit ginawa ko ang blog na ito...
Gusto kong ipaalam sa lahat kung paanong sa maikling panahon ng aming paninirahan dito, ay napamahal na sa kin ang bayang ito.
Mayaman sa kultura ang bayang ito, ang mga naninirahan dito ay kabilang sa mga Indigenous People na kung tawagin ay Isneg.
Dito makikita ang mga ibat-ibang kagamitan, mga ritual na hanggang sa ngayon ay nakikita pa ring ginagawa, patunay na hindi nila kinakalimutan ang kanilang kinagisnang kutura. May sariling dialect na kung tawagin ay yapayao, mahirap daw intindihin, pero nagulat din ako sa sarili ko, sa loob lamang ng ilang buwan, natutunan ko ang salitang ito at ngayon naging matatas na rin ako sa salitang yapayao.
Marami na rin akong naging mga kaibigan dito, masasabi kung malaki ang pagpapahalaga nila sa pakikipagkaibigan. Sa katunayan, mismong taga rito ang makakasama ko sa blog na ito, si RA.
Maraming mga magagandang tanawin dito, ilang halimbawa ay ang mga naglalakihang mga talon (water falls), mga bulubunduking sagana sa naglalakihang puno na marahil isang dahilan kung bakit masarap, malamig at sariwa ang tubig na dumadaloy sa bawat gripo ng mga tahanan dito.
Bilang pasasalamat sa pagkupkop sa aming pamilya, ibig kong iparating, isiwalat, kung bakit ganun na lamang ang aking pag ibig sa bayang ito. Hayaan nyong isa-isahin namin ng aking kaibigan ang mga naggagandahang katangian ng lugar na ito. INTADEN diay DUMALNEG! (Tara, pasyalin natin ang Dumalneg!)